- And of course, I have given the chance to give inspiration and share my thoughts with the graduates.
Funny but the truth was, I did my speech almost a day before the graduation rites because I have my work and other commitments before that day. Experiences, some knowledge that I've learned and other inspiring thoughts are my gifts to the graduates. The speech goes like this:
Sa mga panauhin, guro, magulang at higit sa lahat, sa mga nagsipagtapos, magandang umaga.
Sa totoo lang, magkahalong kaba at tuwa ang nararamdaman ko sa oras na ito. Kaba dahil hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na sa edad kong ito, tatayo ako sa harap ng libu-libong tao sa ganitong okasyon. Sabi ko nga nung nalaman ko, bakit ako? Bakit ngayon na agad? Masyado pa akong bata at halos wala pang naaabot sa buhay. Ano ang ibabahagi ko sa mga batang ito kung ako mismo, nagsisimula pa lang tuparin ang mga mithin ko sa buhay.
Kinonsulta ko agad ang mama ko at pinagalitan niya ko. Sabi niya, hindi pa raw ba sapat na nakapagtapos ako ng kolehiyo at may maayos na trabaho para magbigay ng inspirasyon? Isa pa, isa sa mga batang makikinig sakin ay kapatid ko. Napaisip ako. Sabi ko sa sarili ko, oo nga. Isa ako sa mga mapalad na nabigyan ng pagkakataong makapagtapos ng kolehiyo at sa kabutihang-palad, nakakatulong na ko sa bayan dahil hindi ako kasama sa mga “unemployed” sa bansa. At opo, kabilang sa mga nakaupo at nakikinig sa akin ngayon ang mama at kapatid ko at ilan pang mga magulang at nagsipagtapos na malapit sa puso ko. Sila ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon at nakikipagdiwang sa tagumpay ninyong lahat.
Bago ako magpatuloy, binabati ko ang lahat ng mga nagsipagtapos . Gusto ko ring humiling ng isang maliit na pabor mula sa inyo. Alam kong karamihan sa inyo ay nakapagpasalamat na sa mga magulang niyo dahil sa pagpapaaral sa inyo ng apat na taon sa high school. Maaaring nagawa niyo na 'yun nung mga nakaraang araw o kanina bago kayo magpunta dito. Pero kung hindi pa, hayaan niyong ako ang magpasalamat para sa inyo. Salamat sa lahat ng mga magulang ng mga batang nagsipagtapos ngayon. Salamat po sa tiyaga at pasensiya niyo para lang mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Maaari bang bigyan natin sila ng isang masigabong palakpakan tanda ng ating pasasalamat?
Sabi nga nila, “We get freedom when graduation comes.” Sa pagtatapos, literal na lumalaya ang isang estudyante mula sa homeworks, quizzes at projects. Pero hindi lang doon nagiging malaya ang isang nagtapos. Malaya na rin siyang mamili ng landas na tatahakin niya. At para tulungan kayong mamili ng landas na tatahakin niyo, may ibabahagi akong kwento. Pamagatan natin itong “Ang Kwento ng Pader.”
Isang araw, may isang lalaking dinala sa ospital. Dahil bagong dating siya at sa isang public na ospital siya dinala, hindi siya maaaring pumili ng pwesto ng higaan. Natabi siya sa isang lalaking nakapwesto sa tabi ng bintana. Nagkakilala sila at naging magkaibigan. Araw-araw, dahil parehong hindi nakakabangon sa higaan dahil sa mga karamdaman nila, naging gawain na ng lalaking nasa may bintana na kwentuhan ang katabi ng mga bagay na nakikita niya mula sa kinalalagyan niya. Kinukwento niya ang tungkol sa mga batang masasayang naglalaro, mga bandang nagpaparada at kung anu-ano pang masasayang bagay na nakikita niya tuwing sisilip sa bintana. Nakaramdam ng inggit ang katabi ng lalaking nasa may bintana. Isang gabi, narinig niyang nahihirapang huminga ang katabi niya. Naisip niyang tawagina ng nurse pero naisip niya rin na kung mawawala ang lalaking yun, pwede na siyang pumalit sa pwesto nito at makita ang mga bagay na nakikita niya. Hinayaan lang niya ang katabi at natulog. Kinabukasan, nakita niyang inaayos na ng nurse ang bakanteng higaan ng katabi niya. Dali-dali niyang tinanong kung pwede ba siyang lumipat sa pwestong yon at agad-agad naman syang nailipat. Excited syang tumingin sa bintana dahil sa wakas ay makikita na rin nya ang magagandang bagay na nakikita ng katabi nya noon. Pero pag silip isang mataas na pader ang nakita nya kasabay ng pagsabi ng nurse, “sayang masiyahin pa naman si kuya kahit bulag sya.” Nalungkot sya at nagsisi.
Magkaibang pananaw ng tao sa iisang pwesto. Yan ang sitwasyon nyo ngayon. Pare-pareho kaung nagtapos pero mag kakaibang landas ang tatahakin nyo. May ilang magkokolehiyo, may ibang magttrabaho na muna para may pantustos sa pag aaral, at iba pa. Sa pagtahak ng susunod na landas, pipiliin mo bang maging kagaya ng lalaking bulag pero gmagawa ng paraan para maging masaya at makabuluhan ang buhay o ng lalaking nainggit sa kapwa at nagsissi sa huli. Ang tunay na tagumpay ay nakakamit ng taong maganda ang pagtingin sa buhay. Tatlo lang naman ang susi sa tagumpay. Una, ang positibong disposisyon sa buhay. Pangalawa, ang pananalig sa Dyos at pangatlo, ay ang paggawa ng lahat ng posibleng paraan para makamit ang pangarap.
Positive attitude or optimism. Lagi ko ngang sinasabi, HAPPINESS IS OUR CHOICE. Nasa sa atin kung paano natin tatangapin ang mga bagay na nangyari sa buhay natin pero mas mabuti kung positibo ang pagtanggap natin dito. 5 years old ako nung nagkahiwalay ang mga magulang ko noon. Mahirap pero kailangang magsanay. Kailangang magtrabaho ng mama ko para maibigay saming magkapatid ang mga pangangailangan namin. May mga pagkakataong naiinggit ako sa mga kaklase ko kapag may mga naghahatid at nagsusundo sa kanila. Maraming meeting ang hindi napuntahan ng mama ko dahil nagtatrabaho siya. May pagkakataon pa ngang muntik siyang hindi makapunta sa recognition day ko. Siyempre, bilang anak at dahil bata pa ako noon, hindi ko maiwasang magtampo. Pero at the end of the day, narealize ko na ginagawa niya lang yun para sa amin. Alam kong hindi niya rin gustong ganun ang sitwasyon namin pero wala siyang magagawa dahil yun lang ang tanging paraan para maging maayos ang buhay namin. Lahat ng iyon ang naging tuntungan at inspirasyon ko para mas magsipag sa pag aaral at intindihin ang mga pangangailangan ng kapatid ko. Gusto kong kahit hindi niya kami nasusubaybayan sa araw-araw ay may patunguhan pa rin ang mga sakripisyo niya. Kung tutuusin, pwede akong magloko pero mas pinili kong gawin yung sa tingin kong tama. Sa buhay, lagi tayong may dalawang pagpipilian, yung tama o yung mali, yung kanan o yung kaliwa, yung maging mabuti o maging masama, ilan lang yun sa mga pagpipilian natin sa buhay. Pero sa twing dadating ang anumang problema, lagi lang tayong maging positibo. Anuman ang piliin natin, hindi naman mawawala ang problema sa buhay pero ang pagiging positibo ang makapagpapagaan ng dalahin natin para madali ding makahanap ng solusyon.
After this graduation, ask yourself, who do I want to be? The first or the second man? Pipiliin mo bang maging maganda ang pagtingin sa buhay at maging masaya para sa kasiyahan ng iba sa kabila ng mga problema o mainggit sa kapwa at gawin ang lahat para ibaba sila para sa sariling kagustuhan?
Opportunity will always come along your way. Kapag dumating ang opportunity na yon, grab it. Sabi nga sa isang quotation, “When opportunity knocks, open the door.” Meron pa ngang, “When one door closes, another window will open.” Pero hindi laging kumakatok ang opportunity. Minsan kailangan mo itong hanapin. Para itong paghahanap ng kayamanan at sa paghahanap ng kayamanan, dapat alam mo kung ano ang tunay. Sa totoo lang, marami na kayong kayamanan bago niyo pa mahawakan ang mga diploma niyo ngayon. Yung makapagsalita, makapag-aral at mapagsuot ng uniporme, makaharap ang mga gurong nagbahagi ng inyong nalalaman ngayon, kahit yung kaalaman niyo sa paggamit ng computer at paggawa niyo ng facebook account at yung pagkakataong umupo sa kinauupuan niyo ngayon, lahat yan opportunities depende kung paano niyo ito titingnan at gagamitin sa buhay. Lagi niyong tatandaan, lahat yun ay biyaya ni Lord sa atin. The more you recognize those opportunities, the more God will give you grace. Kahit nga problema, dapat din nating ituring na kayamanan dahil yun ang nagbibigay sa tin ng lakas para harapin ang buhay. Sabi ko nga, lagging may dalawang pagpipilian sa buhay. Anuman ang dumating, dalawa lang ang pagpipilian natin, kayamanan o problema. Nasayo kung ituturing mo itong biyaya o sumpa. Pero ang payo ko sa inyo, manalig lang tayo sa nasa taas. Sabi pa nga, “When God talks to you and ask you to do something, yes lang ang sagot lagi.” Kahit sa palagay nating hindi natin kaya, go lang, hindi naman niya tayo pababayaan, yun ang sigurado.
Faith must always come with hard work. Di ba nga may kasabihan tayong, “Nasa Dyos ang awa, nasa tao ang gawa?” Bawat segundo ay mahalaga kaya dapat gamitin natin ito sa mga kapaki-pakinabang na bagay, lalo na kung para ito sa pagtupad ng mga pangarap natin. Naalala ko tuloy yung kwento ni Mr. Eugenio Lopez III noong graduation namin last year. Tungkol ito sa isang kwento ng painting na “The Last Supper.” Kailangan daw niya noon ng modelo para sa mukha ni Jesus Christ.k aya naghanap siya ng pinakagwapong lalaki sa Milan. Nakilala niya noon ang isang edukadong lalaking si Pietro na perfect ang mukha para maging modelo ni Hesus, mukhang punung-puno ng kaalaman at pagmamahal. Gaya ng inaasahan, naging maganda ang resulta. Pagkatapos ng ilang taon, kinailangan niya ulit magpinta at sa pagkakataong ito, si Hudas naman ang ipipinta niya kaya naghanap naman siya ng pinakamukhang masamang tambay. Sa paghahanap niya, nakahanap siya ng isang lalaki na mukhang kriminal at dinala sa studio niya. Habng nagpipinta, parang nakikilala niya ang lalaki kaya tinanong niya kung nagkita na ba sila. Sumagot ang lalaki, “Oo, ilang taon na ang nakalilipas noong ipinta mo ako bilang modelo ni Hesus.”
Sabi nga ni Lopez, “Time is a friend to the wise but traitor to the fool.” Mabilis tumakbo ang oras at kung hindi tayo kikilos para abutin ang mga pangarap natin, matutulad tayo sa modelo ni Da Vinci. Ang pagtakbo ng panahon ay maihahalintulad natin sa kalagayan ng mundong ginagalawan natin ngayon. Wala namang lindol, baha at mga tsunami na kasing lala ng mga nangyayari ngayon noon pero dahil sa kapabayaan ng mga tao at pagbabalewala sa panahon, nasaan tayo ngayon? Hindi ba’t nagsisisi tayo dahil hindi na natin maibabalik ang panahon. Kung hindi sana tayo nagpabaya, wala sana tayong climate change, global warming at kung anu-anong kalamidad. Malayo pa ang landas na tatahakin ninyo, maging ako. Pero hindi dapat tayo maging kampante na mahaba pa ang panahon. Dream high and work for it the minute after you thought of it. Kahit paunti-unti, simulan mo nang kumilos pagkatapos mong maisip na ‘yun ang gusto mo.
Minsan din akong naupo sa kinauupuan niyo ngayon. Nakakatuwa rin na minsan na rin akong tumayo sa harap ng mga kapwa kaestudyante ko para magbahagi ng tagumpay ko at mas nakakatuwang tumayo muli dito para magbigay ng inspirasyon sa inyo sa kabila ng kakaunti ko pa lang na karanasan sa buhay. Sabi ng mga unang nakaalam na tatayo ako dito, magbigay daw ako ng payo sa inyong lahat. Sabi ko, ano ba ang maibibigay ng isang empleyadong isang taon pa lang nagttrabaho.
Sa 20 taong pamumuhay ko sa ibabaw ang mundo, alam kong marami pa akong kailangang malaman pero ngayon, ito muna ang maibibigay ko habang naglalakad din kayo at tinatahak ang landas patungo sa pangarap niyo. Marami kayong pagdadaanang hirap at ginhawa. May mga daang madaling tahakin pero meron ding daang malubak. Pero sa kabila noon, i-practice niyong lagging maging masaya at magpasalamat sa Maykapal. Dalhin niyo lahat ng kayamanan na mapupulot niyo sa daan. Lahat, kasama ang kabiguan dahil iyon ang magpapalakas sa inyo. Pwede kang maging kagaya ng lalaking Masaya, kahit isang mataas na pader ang nakikita niya o ang lalaking modelo ni Da Vinci na mula sa pagiging modelo ni Hesus ay naging modelo ni Hudas.
Lahat ay nasa pagpili ng landas na tatahakin niyo. Galing ako sa isang broken family at may dalawa akong pagpipilian, ang ituring itong inspirasyon o suliranin sa buhay ko. Pinili ko ang una at hindi ako nagsisi.
Maganda ang buhay pero dapat tayong maging maingat. Sabi nga ni Lopez, “We can be a model for Jesus or Judas depende sa balbas.” Live your life to the fullest but always be thirsty. Laging maging uhaw sa kaalaman. My dear graduates, sa inyo na tulad kong manlalakbay din sa buhay, ang simpleng regalo ko sa inyong lahat ay ang pagbabahagi ng mga kayamanang napulot ko sa paglalakbay ko. Ang positibong disposisyon sa buhay pagtitiwala sa Dyos at pagkilos para sa pangarap ang mga susi para sa tagumpay.
Ngayong hawak niyo na inyong mga diploma at patungo na sa susunod na kabanata ng buhay, sana’y maalala niyong dalhin kahit isa sa mga susing nabanggit ko. Mabuhay kayo hindi lamang para sa sarili kundi ,mabuhay kayong kasama ang Dyos para sa sarili, para sa pamilya at para sa bayan.
Muli, maligayang pagtatapos, Batch 2011. Salamat at maraming salamat.
One thing I love about visiting my former school? Every memory was refreshed and it's so nice to remember all those.
'til next time, Bagong Nayon II National High School! :)
Congratulations, BN2NHS' Batch 2011! :)
xoxo